Friday, February 10, 2012

Ang Nawawalang Sapatos



Kasabay ng kadiliman ay ang pagbibigay ko sa'yo ng sapatos upang umalis ka na sa buhay ko. Susuotan kita nito at magmamakaawa ako sayo na lisanin na ang lugar kung nasaan ako.
Hindi ko alam kung kaya kong paalisin ka, kung kaya't bibigyan na lamang kita ng sapatos upang kusang lumakad papalayo sa buhay ko.

Pakiusap tahakin mo na ang daan na malayo sa akin. Huwag mo na akong paasahin sa posibilidad na maaring mangyari. Huwag mo na akong hayaang umasa na marinig sa'yo ang mga salitang kailanman ay hindi mo nanaising sabihin. Huwag mo akong hayaang sumama sa'yo kahit na ako ay magmakaawa pa. Huwag na...

Ngayon nakakita na naman ako ng mga litrato na nagpaalala sa'yo, sa maaring maging tayo, ngunit ang masakit ay puro na lamang ito mga alaala na binuo ko sa aking isip, hindi ito kailanman magaganap, hindi. Tila napagod na din akong maghintay, tila napagod na din akong umasa sa mga posible pang maganap. Araw-araw kitang sinasamahan sa paglakad mo, sa pagaasam na marinig sayo ang dalawang salitang inaasam ng sinuman. Araw-araw, pabalik-balik, paikot-ikot. Pero namaltos na nga ata ang mga paa ko at kahit anong pagnanais ko na lumakad pa kasabay mo ay hinihiling ko na lamang na lumakad ka palayo.

No comments:

Post a Comment