Monday, July 16, 2012

Define namimiss = Ikaw

Madalas nauuna kong isulat ang laman ng aking isusulat bago ang pamagat nito, pero ngayon nakaisip ako ng korni na pamagat kaya inuna ko ito.

Dahil kakaunti lang naman ang nakakaaalam ng blog site na ito, nanaisin ko ng umamin dito. Oo na, tanga ka naman para hindi mo isipin na para lang sa'yo yun. Namimiss kita, yung nakakainis mong tawa, yung basa mong kamay, yung amoy ng damit mo na parang galing sa cabinet, yung mga nakakainis mong text messages na parang sa nanay ko lang nanggaling, yung ikaw, yung kahit na puro lang pambobola ay wala naman akong magawa kundi tignan lang at tawanan. Nakakainis ka naman, pero mas naiinis ako sa sarili ko, kasi kahit alam ko ng gago ka mahal na mahal pa rin kita.

Kung dati humihingi ako ng limang segundo para lang titigan ka, ngayon naiiwasan ko na. Kung dati isang pagkakamali mo lang nagsasalita na ko, ngayon napipigil ko na. Kung dati isang tanong mo lang mukha akong gamit na sumasagot sa'yo ng automatic ngayon hindi na rin. Maiba lang, gamitin ko naman ang sarili ko para sa sarili ko.

Pero kahit ganoon, may isang nagsabi sakin na bakit nga ba kahit gago ka, pinayagan ko ang sarili ko na magpakagago? Bakit kahit alam ko naman na bolero ka mas pinaniwalaan ko yung mga sinabi mo? Bakit kahit wala namang aasahan ay umasa ako? Samakatuwid, ako ang umasa, madalas sinasabi na walang aasa kung walang nagpapaasa, pero sa pagtatapos ng araw ganun naman talaga diba? Wala rin namang magpaasa kung walang aasa? Walang manggagamit kung walang magpapagamit? Walang maloloko kung walang nanloloko? Ayoko namang isisi sakin ang lahat ng bagay, pero gusto ko namang ibalik sakin ang mga bagay na nawala nung magsimula akong maging ang taong "umasa, nagpagamit, at nagpaloko." Gusto ko naman na maging totoo ang madalas kong sinasabi na mahal ko ang sarili ko, na importante ako. Gusto ko naman na maging masaya dahil masaya ako hindi dahil masaya ka lang.

Oo mahal kita, pero hindi naman ibig sabihin noon ay puwede na akong gamitin ng paulit-ulit hanggang sa maubos ako. Nandito na ang kongklusyon na hindi mo ako kayang mahalin, na kaibigan lang, na wala namang tayo, ako lang ito. Nakahain na ang katotohanan, ang kailangan ko nalang ngayon ay pagtanggap.

Kaya kahit nga miss na miss na kita, lilipas din to. Kaya nga kahit mahal na mahal pa rin kita, mawawala rin ito. Posible nga ang mahulog at magmahal e, kaya posible rin ang umusad at makalimot.

P.S. Eto na ata ang pinaka personal at pinaka korni na nasulat ko. Sorry na!

No comments:

Post a Comment